MANILA, Philippines – Patay ang isang 2-anyos na batang babae matapos na tamaan ng ligaw na bala nang magwala ang isang pulis dahil sa naunang pagbaril ng dalawang hinihinalang drug pusher sa kanyang kapatid na pulis din sa Pasig City, kahapon ng umaga.
Isang tama ng bala sa ulo ang ikinasawi ni Anna Maris Abayon, residente ng Magdalena Homes, Baltazar St., Brgy. Sto. Tomas, Pasig City.
Naisugod pa sa Pasig City General Hospital (PCGH) ang biktima ngunit bigo ang mga doktor na maisalba pa ito dahil ang punglong tumama sa noo ay tumagos sa likod ng kanyang ulo.
Tinutugis naman ng mga awtoridad ang suspek na si PO3 Reynante Cueto, nakatalaga sa Police Security Office sa Camp Crame at residente ng Floodway, Taytay, Rizal.
Nabatid na dakong alas-8:00 ng umaga nang magwala ang suspek na si PO3 Cueto at lima hanggang anim na ulit na nagpaputok ng baril nang malaman nitong binaril ang kanyang kapatid na si PO1 Jayson Cueto, na nakatalaga sa Station 8 ng Quezon City Police District (QCPD).
Dalawang lalaking hinihinalang drug pusher sa lugar ang itinuturong suspek sa pagbaril kay PO1 Cueto na nakilalang sina Datumandog Boratong, alyas Andog, at isang alyas Itlog, kapwa residente ng Magdalena Homes Baltazar St., Brgy. Sto. Tomas.
Nauna rito, dakong alas-8:30 ng gabi ay tinutulungan ni PO1 Cueto ang kanilang inang si Leonila na mag-ayos ng ititindang siomai nang lapitan ito ng dalawang suspek saka binaril sa ulo. Isinugod sa Rizal Medical Center ang pulis kung saan siya ginagamot.
Hinala ng ina ng biktima na may kinalaman sa droga ang pagbaril sa anak dahil bago ang insidente ay nagkaroon ng raid ang mga tauhan ng PNP-Special Action Force (SAF) sa kanilang lugar at sinalakay ang isang shabu talipapa sa Mapayapa Compound, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga illegal drugs.
Posible aniyang napagkamalang asset si PO1 Cueto na siyang nagsumbong hinggil sa shabu talipapa na nagresulta sa pagkaka-raid ng lugar.
Nang malaman naman ni PO3 Cueto ang pagbaril sa kapatid ay kaagad itong sumugod sa Magdalena Homes at dala ng silakbo ng damdamin ay nagpaputok ng baril, sanhi upang tamaan ng ligaw na bala si Abayon, na noon ay nakasilip sa pintuan ng kanilang bahay.