MANILA, Philippines – Hindi pa man sumasapit ang buwan ng Marso na tinaguriang fire prevention month ay sunud-sunod na ang nagaganap na sunog, kaya naman maaga pa lamang ay naghanda na ang kagawaran ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng mga aktibidad na naglalayong mabuksan ang kamalayan ng publiko sa pag-iwas sa sunog.
Ayon kay BFP officer-in-charge Chief Supt. Ariel Barayuga, madalas na nagaganap ang sunog kapag buwan ng Marso, dahil dito nagsisimulang uminit ang panahon.
Kaya naman bago pa pumasok ang nasabing buwan, sisimulan na ng kanilang kagawaran ang mga aktibidad na makakatulong para agad na mabatid ng mamamayan kung papaano maging aktibo at makuha ang minimithing kaligtasan sa sunog at maging fire-free nation ang bansa.
Partikular na aktibidad na gagawin ng BFP kung saan nakapokus ang temang “Kaligtasan sa Sunog: Alamin, Gawin at Isabuhay Natin,” ay ang hiwalayang pagmartsa sa Quezon Memorial Circle na dadaluhan ng mga bumbero, volunteers, public servants, Non-Government Organizations (NGOs), estudyante, at mga propesyunal sa March 3, 2015.
Kasunod nito ang hiwalayang pagsasagawa ng limang minutong pag-iingay ng kanilang mga busina at mga fire apparatus. Magkakaroon din ang BFP ng mga pagbisita sa mga television, upang ipalaganap sa publiko ang kahalagahan ng kaligtasan sa sunog, at iimbitahan din ng kagawaran ang ilang mga estudyante sa bawat barangay para sa tatlong araw na pagtuturo hinggil sa fire safety at pagkakaroon ng kaalaman sa paggamit ng firefighting equipment.
Sabi ni Barrayuga, ang mga ito ay ilan lamang sa mga aktibidad na kanilang gagawin sa buwan ng Marso, para mapalawak ang relasyon nila sa komunidad at mapagtagumpayan ang ligtas na komunidad sa sunog.