MANILA, Philippines - “Patawad sa ginawa ko.”
Ito ang mga huling sulat na iniwan ng isang lalaki na madatnang walang buhay matapos na uminom ng isang uri ng nakalalasong kemikal sa loob ng opisina ng kanyang pinagtatrabahuhan sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Jimmy Binibini, 48, chemical mixer (ATC) ng Asian Television Center LBC Bldg., at residente sa Block 3, lot 4 Paraguay St., Harmony hills, San Jose del Monte Bulacan.
Ayon kay PO2 Victor Guerrero ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, natagpuan ng isang Leo Canete ang bangkay ng biktima sa may opisina ng ATC LBC Bldg., sa no. 85 Doña Justina Subd., Filinvest 2, Bgy. Batasan Hills sa lungsod, ganap na alas 9 ng gabi.
Bumubula ang bibig ng biktima habang nakahiga samantalang nasa tabi nito ang suicide note na humihingi ng tawad at cellphone no. na naka address sa nagngangalang Maribel.
Agad na tinawag ni Canete ang driver ng kumpanya saka isinugod ang biktima sa ospital bago inilipat sa Capitol Medical center kung saan idineklara itong dead- on-arrival dahil sa tinatawag na chemical ignition.
Inaalam pa ng otoridad ang ugat ng pagpapakamatay ng biktima at anong uri ng kemikal ang ininom nito.