Utol ng PSG pinatay ng ex-militar

MANILA, Philippines - Patay ang isang 24-anyos na kapatid ng miyembro ng Presidential Security Group (PSG)  nang barilin umano  ng isang dating sundalo, habang  nakatayo sa kanilang lugar, sa Apitong st., Kahilum, Pandacan, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ang biktimang si Luis Puno ng no. 1748  Kahilum 1, Pandacan, kapatid ng isang Louie Puno, 46,  miyembro ng PSG na nakatalaga sa Bureau of Fire Protection sa loob ng Malacañang Park, sa Maynila.

Mismong ang kapatid ng biktima na si Louie ang nakadakip sa gunman na kinilalang si Eligio Muyco, 38, dating miyembro ng  Armed Forces of the Philippines-Philippine Navy, na nasibak sa serbisyo noong taong 2008,  at residente ng  16-B Magsaysay, Parang Marikina City.

Narekober kay Pardos ang kalibre .45 pistola (COLT MK IV) na may dalawang magazine na kargado ng live ammunitions  at isang fragmentation grenade.

Naaresto rin ang nagsilbing  driver ng ‘get-away’ car na si Rowel Lagamia, nakatira sa no. 24 Doña Aurora, Parang, Marikina City. Isa pang lalaki na di pa tinukoy ang pangalan na sinasabing kasabwat umano sa pamamaril ang pinaghahanap pa ng pulisya.

Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng MPD-Homicide Section, dakong ala 1 ng madaling araw kahapon nang maganap ang pamamaril sa Apitong st., Kahilum 1, Pandacan.

Nabatid na ang balang tumama sa tiyan ng biktima ay hindi lumabas at hindi rin dumugo hanggang sa madala ito sa paga­mutan at buksan ng mga doctor ang tama sa tiyan. Sa puntong inooperahan ay bumulwak ng husto ang dugo at tuluyan nang binawian ng buhay.

Sa imbestigasyon, habang nakatayo umano ang biktima ay binaril ni Pardos na tinamaan sa tiyan at nang tumumba ay nagsitakas ang mga suspek na tiyempo namang nakasalubong ng kapatid ng biktima na si Louie kaya agad inginuso ng testigo  at hinabol ito hanggang sa si Pardos lamang ang makorner at itinurn-over sa Labores-Police Community Precinct (PCP).

Sa follow-up operation nada­kip si Lagamia na  nasa loob ng get-away car na Mitsubishi (DSF-434) blue, sa  Kahilum 1, Pandacan, Maynila.

Depensa  ni Lagamia, hindi niya alam na may gagawing masama ang dalawa niyang kasama dahil nagkayayaan lamang sila na lumabas upang mag-good time, at napadpad umano sila sa Kahilum dahil sinabi ng dalawa na may daraanan lamang sila.

Pinaghihinalaang iligal na droga ang dahilan ng pamamaslang.

 

Show comments