MANILA, Philippines – Isang puganteng Australian national ang nadakip ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos magtago sa bansa at madagdagan pa ang iligal na aktibidad na kinasasangkutan nito kabilang ang pag-ooperate ng cybersex den gamit ang mga menor-de- edad at sexual assault.
Ang suspect na si Peter Gerard Scully, 51, tubong Burwood, Australia at nanunuluyan sa Brgy. Violeta, Malaybalay City, Bukidnon ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng NBI-Region 10, International Police (Interpol), Australian Federal Police, Dutch Police, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) sa safehouse nito sa Malaybalay, Bukidnon kamakailan.
Makikipag-ugnayan din ang NBI sa iba pang ahensiya ng gobyerno tulad ng Bureau of Immigration (BI) para sa kaukulang proseso ng kaniyang mga kasong kinakaharap.
Sinabi ni NBI-R10 regional director Atty. Angelito Magno, ang pagdakip kay Scully ay bunga ng kahilingan ng gobyerno ng Australia at iba pang bansa kaugnay sa mga kasong tinakbuhan nito tulad ng patung-patong na bilang ng fraud. Habang nasa bansa, ang suspek umano ay nagre-recruit ng mga menor de edad na ginagamit sa live video streaming.
Pinagagamit umano ng sex toys ang mga kabataan habang nakaharap sa camera at sa malalaswang eksena ay napapanood naman ng kabilang linya o mga kliyente.
Natuklasan na simula noong pagpasok sa bansa ni Scully noong 2011 ay dumayo ito sa Cagayan de Oro City hanggang sa Bukidnon para sa iligal niyang operasyon ng cybersex.