Rookie cop, binoga ng vendor

MANILA, Philippines – Sugatan ang isang bagitong pulis nang pagbabarilin ng dalawang lalaking hinihinalang mga vendor habang ang una ay nagpapatrulya sa Baclaran, Parañaque City, kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si PO1 Ramoncito Sabido, 25,  nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP)-1 ng Parañaque City Police sanhi ng apat na tama ng bala ng kalibre .45 baril sa kanang binti at dalawang braso.

Ayon sa pulisya, may pagkakakilanlan na sila ng mga suspek, ngunit hindi muna binanggit ang pangalan ng mga ito dahil may isinagawang follow-up operation.

Naganap ang insidente alas-9:55 ng gabi sa tapat ng isang fast food chain sa Redemptorist Road, Brgy. Baclaran ng nasabing lungsod.

Nabatid na nagpapatrulya ang biktima kasama si PO1 Christopher Bangad  sa na­sabing lugar.

Bumaba mula sa mobile car ang mga pulis at makalipas ang  sampung minuto ay biglang sumulpot ang dalawang suspect kung saan pinaputukan ng isa si  Sabido.

Duguang bumulagta ang biktima na  kaagad na dinala sa naturang ospital habang ang mga suspek naman ay mabilis na nagsitakas.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD) naka-recover ng pitong basyo ng bala ng kalibre .45 baril at isang basyo ng .9mm pistol sa pinangyarihan ng insidente.

Hinihinalang may ma­tinding galit ang mga suspek sa pulis dahil isa ito sa mga nagsasagawa ng clearing operation laban sa mga vendors sa kahabaan ng Baclaran.

Show comments