MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondisyon ang isang ginang nang saksakin ito ng kanyang stepson matapos mairita ang huli sa ginawang panenermon sa kanya ng una, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Daylin Villanueva, ng Market 3, Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na nakilalang si Ronald Serafin, alyas Nonoy, ng Road 10 Linchangco St., ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat nina PO3 Allan Joey Ogatia III at PO2 Allan Bangayan, ng Navotas City Police, Criminal Investigation Division (CID), naganap ang insidente alas-9:30 ng gabi sa tapat ng bahay ng suspek sa nasabing lugar.
Nakasalubong umano ng biktima ang suspek na nakitang pagewang-gewang dahil sa kalasingan kaya ito pinagsabihan.
Nairita umano ang suspek na agad na bumunot ng patalim at pinagsasaksak ang madrasta at pagkatapos ay mabilis na tumakas.