MANILA, Philippines - Tuloy pa rin ang operasyon ng illegal gambling makaraang tatlong kolektor ng “betting game” na loteng ang magkakasunod na naaresto sa Caloocan at Navotas City.
Unang nadakip ng mga tauhan ng Northern Police District-Special Operations Unit sina Ludyln Bondiar, 42, at Rowena Zaragoza, 42.
Sa ulat, isang impormante ang lumapit sa DSOU at isinumbong ang talamak na pangongolekta ng pataya sa iligal na sugal sa may Tagaytay St., Caloocan City sa pangunguna ng isang alyas Nognog. Nagsagawa naman ng surveillance operation ang pulisya at naispatan sa naturang lugar sina alyas Nognog at dalawang kolektor na babae.
Kataka-taka namang nakatakas sa kamay ng mga pulis si alyas Nognog nang agad na sumakay at paharurutin umano ang motorsiklo at iniwan ang dalawang kasamang babae. Nakumpiska sa mga suspek ang apat na lotteng bet tickets at perang nakolekta ng mga ito.
Dakong alas-2:30 naman ng hapon nang madakip ng mga tauhan ng Navotas City Police ang 30-anyos na si Janette Belas, ng naturang lungsod. Abala sa pagpapataya sa iligal na sugal na EZ-2 sa may Navotas Fish Port si Belas nang arestuhin ng mga pulis. Nakumpiska sa kanya ang P290 bet money at mga betting paraphernalia.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9287 o “An act increasing the penalties for illegal number games.”