MANILA, Philippines - Arestado ang isang hinihinalang holdaper na akyat-bahay din makaraang matiyempuhan ng pulisya na may bitbit na sumpak habang naghihintay ng posibleng mabibiktima, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Bukod sa kasong illegal possession of firearms, tambak na ang reklamo laban sa suspek na si James Engalia, 21, ng Block 12 Lot 19 Phase 3 E1 Kaunlaran Village, ng naturang lungsod.
Sa ulat, tambak na umano ang sumbong laban kay Engalia na miyembro umano ng sindikato ng ‘Akyat Bahay’ at dawit pa sa panghoholdap na ang binibiktima ay mga residente ng Brgy. 18 at 23 sa naturang lungsod. Inilagay naman sa 24 oras na surveillance operation si Engalia hanggang sa matiyempuhan dakong alas-11 ng gabi sa may Padas Alley, Kaunlaran Village na may bitbit na sumpak.
Sinamantala na ito ng mga pulis at inaresto ang suspek. Nakumpiska sa suspek ang sumpak.
Sa loob ng presinto, dumagsa ang mga nagrereklamo buhat sa dalawang barangay na itinuro si Engalia na nagnakaw sa kanilang bahay o nangholdap sa kanila sa may EDSA Monumento.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng patung-patong na kaso laban sa suspek.