MANILA, Philippines - Dumulog sa Taguig City Police ang isang overseas Filipino worker (OFW) matapos na dukutin ang kanyang bagong silag na anak ng hindi pa kilalang suspek na nagpakilalang social worker sa isang ospital sa Taguig City.
Si Cherry Gold Bacailo ay nagtungo kahapon sa himpilan ng pulisya upang idulog ang ginawang pagdukot sa kanyang bagong panganak na sanggol na si Francis John.
Sa salaysay ni Cherry sa Taguig City Police, alas-9:25 ng gabi noong Pebrero 12 nang isilang niya ang kanyang panganay sa Taguig-Peteros District Hospital.
Ayon dito, ilang oras matapos na niyang iluwal ang anak at habang katabi niya ito sa higaan, isang babaeng nagpakilalang taga-social welfare office ang lumapit sa kanya.
Naka-ID pa umano ang babae at nagpakilalang Ms. Lily at maayos naman itong nakipag-usap at nagpapaliwanag ukol sa mga bagong patakaran ng DSWD hinggil sa pagbibigay ng discount.
Sandaling umalis ang babae at pagkatapos ay muli itong bumalik at kinukuha ang kanyang anak dahil naka-schedule umano ito para sa new-born screening.
Bagamat sinabihan niya umanong hintayin muna ang kanyang asawa na nasa labas ay kinuha pa rin umano nito ang kanyang anak at sinabing sumunod na lamang ang mister nito.
Ngunit nang dumating umano ang kanyang asawa ay tinanong niya kung nasa labas ng kuwarto ang babae na kumuha ng kanilang anak, ngnit wala na umano ang babae.
Sa paglalarawan ni Cherry sa suspek, may katabaan umano ito at bilugan ang mata.
Nanawagan si Cherry sa suspek, na sana aniya, makonsensiya ang babae sa ginawa nito at ibalik na sana ang kanyang sanggol.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng Taguig-Peteros District Hospital kaugnay sa insidente.
Samantala, ang Taguig City Police ay nakatakda nang makipag-ugnayan sa naturang ospital at aalamin kung may CCTV camera ito na maaaring nakuhanan ang babaeng tumangay sa sanggol.