MANILA, Philippines - Binubusisi na ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang pagkakakilanlan sa tatlong immigration officer na inakusahan ng kidnapping at pangongotong ng halagang P500-libo kapalit ng kalayaan ng isang pamilyang Bangladeshi.
Kahapon, personal na nagtungo sa MPD-GAIS upang magharap ng reklamo ang mga biktimang sina Mahiudin Ahamed Shapan, Umma Happy Soria, at kanilang mga anak na sina Ibrhim Hasin, 7; at Maisa Mehejabin Soha, 3, na dinukot umano dakong alas-10:00 ng umaga sa loob ng tinutuluyan nilang BM Boutique sa M. Dela Fuente St., Sampaloc, Maynila.
Sa imbestigasyon ni SPO2 James Poso, lumalabas sa naging salaysay ni Joeflor Wasim, 22, sa kanya pa umano tumawag ang mga suspek upang humingi ng kalahating milyong piso matapos ang ilang oras na pagtangay sa mga biktima, na ang idinahilan ay lumabag sa Immigration laws.
Ang mga biktima ay kinuha sa nasabing boutique na pag-aari ng kaibigan ng mga dayuhan, isinakay sila sa kulay itim na Ford na may red plate na SAM-45 at conduction sticker na 7591.
Bukod sa kinuhang mga pasaporte ay kumuha pa umano ng ilang paninda sa boutique, nanghingi rin ng P100 (isandaang piso lang) sa saleslady ang mga immigration officer.
Hindi umano nagbigay ng pera si Wasim at sa halip ay itinawag ito sa kaibigan na nasa National Police Commission (Napolcom).
Naging dahilan umano ito para makatunog ang 3 suspek kaya dinala sa Baclaran, Parañaque ang pamilya ng biktima at doon basta ibinaba.