MANILA, Philippines – Natupok ang tinatayang P3.5 milyon halaga ng ari-arian ng dalawang magkatabing eskwelahan sa sunog na naganap sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi na inabot naman ng madaling-araw.
Sa ulat ng Manila Fire Bureau, nagsimula ang sunog dakong alas- 9:30 ng gabi sa Gregorio Del Pilar Elementary School na nasa CM Recto sa Tondo, Maynila at dahil sa kalumaan at pawang gawa sa light materials kaya mabilis na kumalat ang apoy. Umabot sa Task Force Delta ang alarma ng sunog. Nadamay na rin ang katabing Center of Excellence in Public Elementary Education (Centex).
Tumagal ang sunog hanggang ala-1:46 ng madaling-araw nang tuluyang ideklarang fire-out.
May bahagi ang paaralan na isinasailalim umano sa renovation. Wala namang napaulat na nasaktan o nasugatan sa nasabing insidente.