MANILA, Philippines - Bangkay na nang matagpuan ang isang 10-taong gulang na batang babae matapos na mahulog sa ilog at malunod habang sakay ng pampalutang na styrofoam at nangangalakal ng basura sa San Juan River, lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima ay nakilalang si Ashley Jane Aurel, grade 5 pupil at residente sa Victory Avenue, Brgy. Tatalon sa lungsod.
Ayon kay PO2 Raldwin Sanchez, may-hawak ng kaso, tumagal ng halos pitong oras, bago tuluyang natagpuan ang bangkay ng biktima sa may ilog ng San Juan, matapos galugarin ng rumespondeng coast guard ang lugar.
Nangyari ang insidente, ganap na alas-9:30 ng umaga sa may nasabing ilog na matatagpuan sa Brgy. Tatalon sa lungsod.
Bago ito, alas-9 ng umaga, nagplano umano ang mga kaibigan ng biktima na sina Kimby Montanez, 15, at Clarence Peña, 12, na manguha ng kalakal sa kabilang ilog ng San Juan River.
Dito ay nagpumilit umano ang biktima sa dalawa na sumama, pero binalaan umano siya ni Kimby. Subalit, hindi sumunod ang biktima, sa halip binitbit nito ang isang styrofoam na ginawang pampalutang saka lumangoy kasama si Clarence patungo sa kabilang ilog. Gayunman, nang nasa kalagitnaan na ang dalawa ng ilog, ang styrofoam na hawak ng biktima ay dumulas sa kanyang kamay dahilan para ito tuluyang lumubog.