MANILA, Philippines - Arestado ang isang 67-anyos na Koreano matapos umano nitong sapakin ang isang babaeng service crew dahil nagkamali ang biktima sa naibigay na order ng suspek sa Makati City, kamakalawa ng tanghali.
Nakakulong ngayon sa Makati City Police detention cell ang suspek na si Dong Hoo Lee, pansamantalang nanunuluyan sa Cittadel Inn sa P. Burgos St., Brgy. Poblacion ng naturang lungsod.
Samantala, ayaw namang ipabanggit ng biktima ang buong pangalan nito, kung kaya’t kinilala lamang ito sa pangalan nitong Ms. Claveria.
Sa report na natanggap ni Makati City Police Officer-In-Charge (OIC), Police Sr. Supt. Ernesto Barlam, naganap ang insidente alas-12:30 ng tanghali sa loob ng isang fastfood chain sa kahabaan ng Makati Avenue, Brgy. Bel-Air ng naturang lungsod.
Nabatid na nagtungo ang naturang dayuhan at umorder ng pagkain sa naturang establisimento. Subalit, nang dumating ang order nitong pagkain ay nagkamali ng ibinigay ang biktima at kaagad na umangal ang dayuhan.
Dahilan upang dalawang beses itong tanungin ng biktima para ibigay ang tamang order na pagkain dito, subalit sa halip na sumagot ang suspek ay sinapak nito ang naturang service crew.
Nagkaroon ng komosyon sa naturang lugar at nagkataong nang oras na iyon ay naroon sa pinangyarihan ng insidente ang isang official ng Makati City Police, kung kaya’t kaagad nitong tinawagan ang kanyang mga tauhan, na nagresulta naman sa pagkakadakip sa naturang dayuhan.
Nakaagapay naman sa nasabing dayuhan ang kanilang embahada.