4 patay sa sunog sa Pasay
MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang isang buntis na pawang magkakaanak ang nasawi, habang 900 pamilya ang nawalan ng tirahan nang tupukin ng apoy ang mahigit sa 300 kabahayan, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Kinilala ang mga nasawi na sina Nida Dakaymat, 49, anak nitong si Ramil, 25; misis nitong si Danna Mente, 20, apat na buwang buntis at ang apong si Cindy Pacayun (hindi ito anak nina Ramil at Danna), 10-anyos. Pawang magkakapatong ang mga ito nang matagpuan matapos matupok ang dalawang palapag nilang bahay na malapit sa isang creek sa Merville Access Road, Brgy. 201 ng nasabing lungsod alas-9:00 kahapon ng umaga.
Magkayakap pa ang bangkay ng maglolang Nida at Cindy nang matagpuan ng mga awtoridad.
Ayon sa pahayag ni Matilde Cardona, kamag-anak ng mga biktima, na-trap ang mga ito sa loob ng kanilang bahay dahil sa biglang paglaki ng apoy hanggang sa tuluyan na itong matupok habang nasa loob ang mga nasawi.
Bukod dito, sinasabing nahulog pa ang mga nasunog na biktima sa creek na katabi ng kanilang bahay.
Lumalabas sa report na isinumite ni Pasay City Fire Marshall Douglas Diaz Guiab, alas-3:40 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa bahay ng mag-asawang Mario at Dianne Barmachea sa Sapasatahi at Daop Palad Merville Access Road, Brgy. 201, Zone 20 ng nasabing lungsod.
Ayon sa pahayag ng mag-asawang Barmachea, kasalukuyan silang natutulog sa ikalawang palapag ng kanilang bahay nang biglang may magliyab sa unang palapag nito.
Dahil sa gawa lamang sa light materials ay mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na umabot sa mahigit sa 300 kasama ang bahay ng mga biktima, na nagresulta ng pagkamatay ng mga ito.
Dahil sa mabilis ang pagkalat ng apoy, nadamay din ang isang warehouse ng balikbayan boxes at isang imbakan ng tela. Umabot sa general alarm ang alarma ng sunog.
Nahirapan naman ang mga bumberong makapasok dahil sa masikip na kalsada at katabi pa ito ng creek.
Halos umabot ng apat na oras ang sunog bago ito idineklarang fire-out alas-8:57 kahapon ng umaga.
Samantala agad naman dinala sa gym at barangay hall ang mga nasunugan na kung saan nangako ang pamahalaang lungsod ng Pasay na tutulungan ang mga ito, na nasa 900 pamilya.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon sa pinagmulan ng apoy.
- Latest