MANILA, Philippines – Magpapatupad ng traffic re-routing ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa bisperas at mismong araw ng Chinese New Year ngayong darating na Pebrero 18-19 kung saan isasagawa ang Chinese New Year Countdown Concert and Fireworks sa EDSA-Monumento Circle bilang pakikiisa sa pagsalubong sa bagong taon ng mga kababayang Tsinoy.
Ayon kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, isasara sa daloy ng trapiko ng mga tauhan ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) mula alas-12:01 ng madaling araw ng Pebrero 18 hanggang alas-7 ng umaga ng Pebrero 19 ang EDSA Monumento mula B. Serrano St. southbound, at Rizal Ave. northbound mula 10th Avenue hanggang McArthur Highway.
Inaabisuhan ang mga motorista na magiging two-way traffic ang EDSA northbound lane habang ang mga pampasaherong bus patungong McArthur Highway ay padaraanin sa Gen. Simon Street, kakaliwa sa Calle Cuatro palabas ng McArthur.
Ang mga behikulong patungong Sangandaan ay pakakaliwain sa A. De Jesus St., kakanan sa 10th Ave., kanan sa Mabini St. diretso sa Sangandaan.
Samantalang ang mga motoristang dumaraan sa Samson Road patungo naman ng Balintawak ay pakakananin sa Rizal Ave., kaliwa sa 9th Ave., kaliwa sa B. Serrano Ave. palabas ng EDSA habang ang mga nasa Rizal Ave. patungo ng Sangandaan ay pakakaliwain na sa 10th Ave., kanan sa Abbey Road at Heroes del 96 palabas ng Sangandaan.