MANILA, Philippines - Nasawi ang isang tricycle driver nang barilin ng sinasabing notoryus na holdaper nang tumanggi ang biktima na ibigay ang alaga nitong dalawang pangarerang kalapati, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Namatay noon din dahil sa tama ng bala sa ulo ang biktimang nakilalang si Allan Sevillano, 32, ng Sitio Tibagan, Regalado Avenue, Quezon City.
Nakatakas naman ang suspek na nakilala lamang sa alyas na “ Ateng”, miyembro ng notoryus na grupong “Panoy group”, na sangkot sa mga insidente ng panghoholdap, iligal na droga at carnapping.
Sa inisyal na ulat, naganap ang krimen dakong alas-3 ng hapon sa may Phase 2 Package 1 Brgy. Bagong Silang, ng naturang lungsod.
Sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo at bitbit ang kanyang dalawang pangarerang kalapati patungo sa bahay ng kanyang kapatid sa Phase 8B Package 5 Block 6 Lot 3, ng naturang barangay nang harangin ng salarin at sapilitang kunin ang mga ibon.
Pumalag umano ang biktima kaya binaril ito ng suspek na mabilis na tumakas.