MANILA, Philippines - Limang kalalakihan na umano’y ‘tulak’ ng droga ang nadakip sa isinagawang buy-bust operation, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Nakakulong ngayon sa Makati City Police detention cell ang mga suspek ana sina Edgar Arceo; Andrew Pesco; Alexander Nueva; Glenner Anzano at isang alyas Hapon, pawang mga taga- Brgy. East Rembo ng naturang lungsod.
Ayon kay Senior Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Makati City Police, nahuli ang mga suspek matapos na i-post sa social media ang litrato ng mga ito na humihithit ng ipinagbabawal na gamot. Dahilan naman upang magsagawa ng surveillance ang mga tauhan ng Makati Special Anti-Illegal Drugs Division.
Matapos ang ilang araw na surveillance at magpositibo ay nagsagawa na ng buy-bust operation ang mga pulis pasado alas-11:00 ng gabi sa nabanggit na barangay.
Nagresulta ito sa pagkakadakip sa limang suspek, nakumpiska sa mga ito ang pitong plastic sachet ng shabu at nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act.