MANILA, Philippines - Inireklamo ng isang truck driver ang tauhan ng PMA towing services ng Manila City Hall, makaraang mahuli ito sa aktong ibinebenta ang mga ninakaw na tools sa kanyang truck na naka-impound, kamakalawa ng gabi sa Malate,Manila.
Nagtungo sa MPD-Malate Police Station 9, si Elixir Beltran Jr., 27, truck driver, ng San Miguel Bulacan, upang ireklamo si Marvin Morano, na umano’y empleyado ng PMA Truck Towing Service at residente ng Pandacan, Manila.
Ayon kay Beltran, tutubusin niya ang truck nang abutan sa impounding area na nasa panulukan ng Osmeña Highway at San Andres St. sa Malate na sira na ang safety box nito at wala na ang mga tools na nasa loob.
Minabuti niyang magtanong subalit laking gulat na lamang niya nang makitang ibinebenta ng suspek sa murang halaga ang mga tools. Agad na humingi ng saklolo sa pulisya ang biktima bagama’t todo tanggi naman ang suspect sa paratang sa kanya.
Nabatid na nagiging modus operandi na ng nasabing towing services ang umano’y pagkuha ng mga gamit ng mga nakaimpound na sasakyan.