MANILA, Philippines - Nanatili sa heightened alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila upang mapanatili ang peace and order .
Ayon kay NCRPO Chief P/Director Carmelo Valmoria, ito’y sa gitna na rin ng ilang mga ulat na diumano’y posibleng makarating sa Metro Manila ang mga galamay ng napatay na si Jemaah Islamiyah (JI) terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan.
Si Marwan, isang Malaysian, may patong sa ulong $5 milyon ay napaslang sa inilunsad na ‘Oplan Exodus’ noong Enero 25 ng taong ito sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 Special Action Force (SAF) commandos ang nagbuwis ng buhay.
Nabatid sa opisyal na bagaman wala naman silang intelligence report sa banta ng terorismo sa Metro Manila mula sa mga kaalyado ni Marwan ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras upang mapigilan ang pagresbak ng mga teroristang grupo.
Sa tala ng PNP, karaniwan ng rumeresbak ang mga teroristang grupo kapag napapatay ang mga lider ng mga ito.
Si Marwan ay sinasabing utak ng ‘Bali bombing’ sa Indonesia noong 2002 na ikinasawi ng marami katao.
Inihayag ng opisyal na bago pa man bumisita sa Pilipinas si Pope Francis noong Enero 15-19 ay nasa heightened alert na ang pulisya na itinaas sa full alert ng umalis na si Pope Francis.
Samantalang pagkaalis ng Santo Papa ay ibinaba ng NCRPO sa heightened alert ang status na nanatiling pinaiiral hanggang sa kasalukuyan.