MANILA, Philippines – Nadakip ng pulisya ang isang 24-anyos na sinasabing lider ng ‘Sanaya group’ sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Manila Police District-District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group, Regional Anti-Illegal Drugs ng National Capital Region Police Office (RAID-NCRPO) at Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP) sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inihahanda na ang isasampang kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 laban sa suspek na si Norbie Sandag, alyas Sanaya, 24, at residente ng Parola Compound, Binondo, Maynila.
Nakatala si Sandag sa top drug personalities ng Directorate for Intelligence (DI) at Regional Anti-Illegal Drugs AID-NCRPO.
Sa ulat ni Chief Inspector Glenn Gonzales, hepe ng MPD-DAID, dakong alas-10:30 ng gabi, kamakalawa nang isagawa ang buy-bust operation sa Gate 62 na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek. Nasamsam sa nadakip ang ilang gramo ng shabu. Nabatid na nagpapakalat umano ng iligal na droga ang ‘Sanaya group’ sa Metro Manila.