MANILA, Philippines – Limang lalaki at isang babae na sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga ang naaresto ng tropa ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkahiwalay na anti-illegal drugs buy bust operations sa lungsod, iniulat kahapon.
Kinilala ni QCPD Director Police Chief Superintendent Joel Pagdilao ang mga suspect na sina Josephine Timario, alyas Negra, 40; Sonny Summer; Romeo Sino, alyas Oblong, 39; at Christian Ligayo, 36; pawang mga residente sa Brgy. Pansol, Quezon City; at Noel Villa, alyas Bonjing, 42, ng Escopa IV, Project 4; at Romeo Barcelona, 37, ng Escopa II, sa lungsod.
Sa ulat ni Chief Inspector Roberto Razon Sr., hepe ng Quezon City Police District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (DAID-SOTG) kay Pagdilao, ang mga suspect na sina Timario, Summer, Sino, at Ligayo ay naaresto ganap na ala-1:30 ng hapon sa isang buy-bust operation sa may Kaingin I, Brgy. Pansol, sa lungsod.
Nakumpiska ng mga operatiba sa apat na mga suspect ang siyam na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng shabu (P10, 000) at ang buy-bust money.
Samantala, ganap na alas-7:30 ng Martes ng gabi ay nadakip sina Villa at Barcelona sa isa ring buy-bust operation na ginawa sa may kahabaan ng J.P. Rizal St., Barangay San Roque, Quezon City.
Dito ay nasamsam sa dalawa ang may 11 plastic sachet na naglalaman ng shabu (P15,000) at P3,500 na buy-bust money.