MANILA, Philippines – Ipinagpaliban kahapon ng Quezon City Regional Trial Court ang pre-trial hearing hinggil sa kasong kidnapping laban sa mag-asawang opisyal ng NDF na sina Wilma Austria at Benito Tiamzon.
Nakatakda sanang gawin ang pre-trial conference sa naturang kaso kahapon sa Camp Crame pero dahil sa hindi naiprisinta ng prosekusyon ang complainants at witnesses nito dulot daw ng kalayuan, pasahe at security constraints kaya’t pansamantalang ipinagpaliban na lamang ng korte ang pagdinig sa naturang kaso na itinakda sa Abril 15.
Dati ay dinidinig ang kaso ng mag-asawa sa QC Hall of Justice pero dahil sa naaprubahan ng Korte Suprema ang naisampang mosyon ni Executive Judge Fernando T. Sagun hinggil dito ay pinayagan na gawin na lamang ang pagdinig sa kaso sa loob ng kampo.
Idinahilan ni Sagun ang naganap na kilos-protesta ng libong mga magsasaka sa QC Hall of Justice noong October 17,2014 nang isailalim sa arraignment noon ang mag asawang Tiamzon.
Katwiran naman ng depensa na kailangan muna nilang makita kung ang sinasabing mga complainants ng prosekusyon ay orihinal at tunay na mga complainants sa kaso na sinasabing naganap may 20 taon na ang nakararaan.
Samantala, sinabi naman ni Marie Hilao-Enriquez, chairperson ng grupong Karapatan na walang basehan na naging magulo sila nang magsagawa ng protesta sa QC court.
Ayon naman sa National Union of People’s Lawyers and the Public Interest Law Center na kukuwestyunin nila ang paglilipat sa Kampo Crame ng pagdinig sa kaso ng mag-asawang Tiamzon.