Task Force binuo vs humoldap, pumatay sa Koreana
MANILA, Philippines – Bumuo na ng Task Force ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) para sa agarang pagresolba sa kaso ng pagpatay sa babaeng Koreana na binaril at napatay ng isang holdaper sa lungsod nitong Lunes ng hapon.
Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, ang grupo ay tatawaging Special Investigation Task Group (SITG) Park, alinsunod sa pangalan ng nasawing si Mi Kyung Park, 40, isang negosyante.
Bukod dito, naglabas na rin ng artist sketch ang pamunuan laban sa suspect na ayon kay Marcelo ay kanilang nakuha base sa mga testigo.
Maaalalang si Park ay binaril ng isang lalaki na nangholdap sa Bean Leaf Restaurant na matatagpuan sa kahabaan ng Holy Spirit Drive, Brgy. Holy Spirit, ganap na ala-1:30 kamakalawa ng hapon.
Sabi ni Marcelo, may tinutukan na silang suspect dahil halos magkaka-parehas lamang anya ang modus operandi nito ang tipunin ang mga biktima, saka ikukulong sa loob ng comfort room at paghuhubarin.
May pagkakataon pa anyang minomolestiya ng mga suspect ang mga babaeng biktima, at ang tinatarget umanong biktimahin ng mga ito ay ang mga maliliit na establisimento.
Dagdag ni Marcelo, isang grupo lamang anya ang mga suspect, dahil nakapagtala na sila ng lima hanggang anim na magkakahalintulad na kaso simula pa noong December ng nakaraang taon.
Base sa artist sketch ng suspect, giit ni Marcelo ay sinisimulan na anya ang pagtugis ng kanilang tropa laban sa mga ito.
Kasunod nito nagdagdag na rin anya sila ng checkpoint at chokepoint sa pangunahing kalsada sa lugar.
Bukod dito, hinikayat din ni Marcelo ang mga may-ari ng negosyo na kumuha ng security guards at maglagay ng CCTV bilang parte ng crime prevention.
- Latest