70 bus ng Dela Rosa Transit, hindi pinabiyahe

Yuping-yupi ang Toyota Vios na ito makaraang madaganan ng Dela Rosa Transit bus sa Edsa-Muñoz sa lungsod Quezon. Boy Santos

MANILA, Philippines - Hindi muna makakabiyahe  ang may 70 bus ng Dela Rosa Transit, matapos masangkot ang isang unit nito sa pagdagan sa isang kotse sa kahabaan ng EDSA sa may Muñoz noong nakaraang linggo.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez, ito ay upang mabigyang daan muna ang naturang bus company na maisailalim sa road­worthiness inspection ang kanilang mga sasakyan.

Kahapon, napasimulan ang pagpapatigil sa pagpa­sada sa naturang mga bus nang puntahan ng inspection team ng LTFRB ang terminal ng Dela Rosa sa  Biñan, Laguna para maisagawa ang naturang pagbusisi.  Ang pagsasailalim sa road­worthiness test sa naturang mga sasak­yan ay kasabay naman ng pagsasailalim sa mga driver ng Dela Rosa Transit sa drug test at safety driving seminar.

Kapag pumasa na ang mga bus sa roadworthiness test ay maaari na ulit ma­ipasada ang 70 bus units.

Pero niliwanag ng LTFRB­ na patuloy namang nakasuspinde ng 30 araw ang ope­rasyon ng limang bus unit ng Dela Rosa Transit na kasama sa franchise ng bus unit na na­sangkot sa aksidente.

 

Show comments