MANILA, Philippines - Kapwa patay ang isang mister at isang 3-anyos na batang babae matapos tamaan ng ligaw ng bala sa isang lamayan sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Medical City sa Pasig City ang mga biktimang sina Lino Buenaflor, 50; at Xyriel Andal, pawang mga taga-Kalayaan St., Brgy. Ususan ng naturang lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.
Samantala, hanggang sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung sino ang taong responsable sa pamamaril.
Sa report na natanggap ni Police Senior Supt. Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig City Police, naganap ang insidente alas-8:00 ng gabi sa isang lamayan sa panulukan ng Kalayaan at P. Mariano Sts., Brgy. Ususan ng naturang lungsod.
Nabatid na habang nakikipaglamay si Buenaflor at naglalaro naman si Andal sa naturang lugar, ay biglang umalingawngaw ang ilang putok ng baril.
Kung saan dito nakita ng ilang mga naglalamay na duguang bumagsak ang mga biktima, dahilan upang agarang isinugod sa nabanggit na pagamutan, subalit kapwa hindi na nakarating ng buhay.
May hinala ang pulisya, na posibleng biktima ng ligaw ng bala ang mga biktima.
Nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.