Ugat ng suicide, nais matukoy ‘Task Force Midland’, binuo ng San Juan

MANILA, Philippines - Bagama’t nasilip na walang foul play dahil walang forcible entry at walang nawawalang gamit sa bahay ay nais pa rin ng mga awtoridad na matukoy ang ugat ng ginawang pagpapakamatay ng mag-asawang Taiwanese at idinamay pa ang kanilang tatlong anak sa San Juan City noong Sabado ng umaga.

Bunsod nito ay binuo ng San Juan City Police ang ‘Task Force Midland’ na tututok sa pagpapakamatay ng mag-asawang Luis at Roxanne Hsieh at kanilang mga anak na sina Amanda, 19; Jeffrey, 14; at John, 12, sa loob ng ka­nilang tahanan sa Midland 2 Subdivision, Madison St., Brgy. Greenhills, sa lungsod.

Sinabi ni Senior Supt. Ariel Arcinas, hepe ng San Juan police, si Chief Insp. Melchor Rosales ang siyang mamumuno ng binuong task force at ang matutukoy na dahilan ng suicide ang siyang kanilang isusumite sa Taiwan authorities.

Ayon kay Arcinas, layunin ng binuong task force na hindi sila magkamali sa kanilang final report na ipapadala sa bansang Taiwan, kung saan ay ipinaalam na nila ang malagim na insidente.

Sa ngayon, ani Arcinas ay may inisyal ng imbestigasyon na hawak ang kanyang mga tauhan na tumutumbok sa problema sa negosyo at malaking pagkakautang  ang siyang posibleng dahilan kung bakit nagpakamatay ang mag-asawang Hsieh at idinamay ang kanilang mga anak upang hindi mailipat o mamana ang problema.

Nakatanggap ng impormasyong ang mga awtoridad na kaya idinamay ng mag-asawa ang kanilang mga anak dahil sa ilalim ng civil code ng Taiwan ay  namamana ng mga anak ang utang ng mga magulang na pumanaw.

Sinasabing may kasosyo sa negosyo ang mag-asawang Hsieh sa Taiwan pero nagkaproblema sa pagpapadala ng mga produktong muebles at handicraft dahil sa port congestion sa Pilipinas pero ang dahilan ng pagkalugi ng negosyo ay hindi pa matukoy.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ni Arcinas ang awtopsiya­ na isinagawa ng PNP crime laboratory upang matukoy kung sino sa mag-asawa ang huling binawian ng buhay dahil ito anila ang posibleng naglagay ng tape sa mukha at nagbalot ng plastic sa ulo ng mga biktima.

Lumitaw din sa inisyal na imbestigasyon na pinakain muna ng pampatulog ang mga bata bago binalutan ng plastic sa ulo para hindi makahinga hanggang tuluyang mamatay.

Sinasabing planado ng mag-asawa ang pagpapakamatay at pagdamay sa mga anak upang hindi na mamana ang kanilang problema.

 

Show comments