MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P50,000 ang halaga ng napinsalang kagamitan sa sunog na lumamon sa gusali ng Central Post Office sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, alas-5:35 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa naturang gusali na matatagpuan sa Nia Road, Brgy. Pinyahan sa lungsod. Nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng nasabing gusali, partikular sa record section nito, hanggang sa kumalat na sa buong gusali.
Sabi ni Fernandez, posibleng nagkaroon ng short circuit ang kuryente ng nasabing opisina sanhi ng pagliyab nito. At dahil mga papel ang nasa loob ay madaling kumalat ang apoy.
Umabot naman sa ikatlong alarma ang sunog, bago tuluyang naapula ganap na alas-6:03 ng umaga.
Samantala, nilamon din ng apoy ang apat na bahay sa may ilang-ilang St., Brgy. Payatas, ganap na alas-9:05 ng umaga.
Dagdag ni Fernandez, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Art Leonidas, hanggang sa madamay ang apat pang kabahayan. Umabot naman sa ikatlong alarma bago tuluyang ideklarang fireout ito ganap na alas-9:40 ng umaga.
Aabot naman sa P100, 000 halaga ng ari-arian ang napinsala dito. Wala namang iniulat na nasaktan sa nasabing mga sunog.