Pagguho sa ginagawang gusali sa BGC, pinabubusisi
MANILA, Philippines - Iniimbestigahan na rin ng pamahalaang lokal ng Taguig ang naganap na pagguho sa isang ginagawang gusali sa Bonifacio Global City (BGC) na ikinasawi ng dalawang construction workers at pagkasugat ng 11 pa kamakalawa.
Mariing inatasan ni Taguig City Mayor Lanie Cayetano ang Engineering Office at Local Building Office ng pamahalaang lungsod na magsagawa ng imbestigasyon sa pagguho ng upper ground o mezzanine nang ginagawang The Suits Condominium, na nasa pitong palapag na ang konstruksiyon.
Ito’y matapos bumigay ang pinatutuyong semento at ang scaffolding na pinagtutungtungan ng mga biktima.
Labis na ikinalungkot ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang naturang trahedya. Nabatid na nauna nang nagpalabas ng kautusan ang Taguig City government para ipatigil muna ang konstruksiyon ng naturang gusali.
Kumilos na rin ang tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa insidente at kanilang papanagutin ang employer at contractor sakaling mapatunayang nagkaroon sila ng kapabayaan sa pagpapatupad ng safety measure.
Matatandaan, na noong Miyerkules, alas-8:10 ng umaga ay gumuho ang upper ground ng naturang condominium na matatagpuan sa panulukan ng 5th at 28th Avenues, BGC ng lungsod na nabanggit na nagresulta nga ng trahedya.
- Latest