Kotse nadaganan ng bus sa Edsa
MANILA, Philippines - Mistulang niyuping lata ng sardinas ang nangyari sa isang kotse matapos na madaganan ng dambuhalang pampasaherong bus sa kahabaan ng Edsa-Muñoz, lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Sa kabila na yuping-yupi ang Toyota Vios, masuwerteng galos lamang ang natamo ng driver nitong si Marcelino Umalin, 44, ng Saint Francis Village, Meycuayan, Bulacan na agad namang nilapatan ng lunas sa malapit na ospital.
Ang driver ng bus na Dela Rosa Transit (TYM-449) na nakilalang si Edgardo Lelis, 35, binata ay agad namang naaresto ng Traffic Sector 6 ng Quezon City Police District.
Bukod sa dalawang sasakyan, nadamay din sa karambola ang isang pampasaherong jeepney (TVL-602) na minamaneho ni Marlon Anol at isa pang bus na Ziamen Kinglong (TYU-602) na minamaneho ni Jerry Baylon.
Sa pagsisiyasat ni SPO4 Ronquillo Maaño, nangyari ang insidente, ganap na alas- 9 ng umaga sa may northbound lane ng EDSA corner Corregidor St., Brgy. Ramon Magsaysay sa lungsod.
Ayon kay Maaño, kapwa binabaybay ng mga nasabing sasakyan ang naturang lugar nang biglang mawalan ng preno ang bus at sumalpok sa hulihang bahagi ng Toyota Vios.
Dahil sa lakas ng impact, nagtuloy-tuloy sa pagtakbo ang Vios hanggang sa tumama naman ito sa sinusundang Xiamen Kinglong bus hanggang sa masagi naman ng huli ang PUJ.
Dahil dito, kapwa nagtamo ng sira ang apat na sasakyan, subalit ang pinakamatinding napinsala ay ang Vios kung saan nawasak ang bubungan nito at naiipit mula sa driver seat si Umalin.
Gayunman, masuwerte pa ring nakaligtas si Umalin dahil sa airbag ng kanyang kotse.
Inabot ng ilang minuto bago nahugot mula sa kanyang kotse si Umalin, saka isinugod ng mga rescue team sa may St. Lukes Hospital para lapatan ng lunas sa tinamong mga galos sa katawan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsisiyasat ng Quezon City Police Traffic Sector 6 sa nasabing insidente, habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property.
Samantala, sinuspinde ng 30 days ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Dela Rosa Transit.
Sa isang panayam, sinabi ni Engr Ronaldo Corpus, boardmember ng LTFRB, limang unit ng bus company ang apektado ng suspension order kasama ang nakabanggang bus unit na magkakasama sa iisang franchise.
Ang suspension order ay inaprubahan ng LTFRB board kahapon matapos pag-usapan ng ahensiya ang naturang aksidente.
Bukod anya sa preventive suspension, inatasan ng LTFRB ang lahat ng driver ng Dela Rosa Transit na sumailalim sa drug testing at dapat na sumailalim ang mga ito sa road safety seminar na ipinatutupad ng ahensiya. (Dagdag ulat ni Angie dela Cruz)
- Latest