MANILA, Philippines – Kasunod ng lungsod ng Maynila, nagpasa rin kahapon ng isang ordinansa ang Muntinlupa City Council para magbigay ng halagang mahigit sa P.4 million sa pamilya ng 44 miyembro ng Philippine National Police, Special Action Force (PNP-SAF) commandos na napatay sa Masasapano, Maguindanao.
Ang hakbangin ng konseho ng lungsod ng Muntinlupa ay bilang pakikiramay at pakikisimpatiya sa pamilya ng mga nasawing PNP-SAF commandos.
Nabatid na nasa P440,000 na ibibigay ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa at tatanggap ng tig-P10,000 ang pamilya ng mga biktima.
Bukod dito, nagpalabas din ng kautusan noong Lunes si Mayor Jaime Fresnedi sa mga empleyado ng Muntinlupa City Hall ay magbigay ng boluntaryong ambag sa pamilya ng mga biktima.
Magugunitang noong nakaraang Linggo, naglabas din ng resolusyon ang pamahalaang lungsod ng Maynila na naglalaan ng halagang P5.1-milyon para sa pamilya ng “Fallen 44”. Lumalabas na tatanggap ang bawat isang pamilya ng nasawing SAF na tig-P100,000 sa pondong inilabas ng Maynila.