MANILA, Philippines – Dinagdagan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang bangka matapos na humahataw ang operasyon nitong Pasig River Ferry System dahil tinatangkilik na ito ng publiko bilang alternatibong transportasyon.
Nabatid kay MMDA Director Rod Tuazon, mula sa dating pitong bangka, ngayon ay labing isa nang bangka ang bumibiyahe.
Ipinahayag ni Tuazon, na noong mga unang buwan mula nang simulan ang operasyon ng ferry system ay umaabot lamang sa 150 hanggang 180 kada araw ang sumasakay at tumangkilik nito. Ngunit sa kasalukuyan ay umaabot na mula 300 hanggang 350 ang sumasakay dito.
Lalo na umano noong panahon ng Kapaskuhan na laging punuan at halos sabay-sabay na ang pag-alis ng mga bangka na may kakayahang magsakay ng hanggang 30 pasahero.
Ayon kay Tuazon, ito’y pagpapakita lamang na unti-unti nang nakikita ng publiko ang malaking tulong ng ferry system bilang alternatibong transportasyon.
Naglalaro sa pagitan ng P30 hanggang P50 ang pamasahe sa ferry depende sa layo ng biyahe. May pito nang stations o terminal ang ferry system na kinabibilangan ng San Joaquin Terminal sa Pasig City; Sta. Ana terminal; Guadalupe, Makati City; Pinagbuhatan Pasig City; Escolta; PUP Sta. Mesa at Plaza Mexico sa Manila.
Matatandaan, na muling binuksan ng MMDA ang operasyon ng Pasig River ferry noong Abril, 2014 upang maging alternatibong transportasyon ng ilang mananakay na ayaw maabala sa matinding trapik sa Metro Manila dulot na rin sa implementasyon ng malalaking infrastructure projects.