MANILA, Philippines – Hindi na nakawala pa ang isang Amerikano nang maaresto matapos nitong pagnakawan ang isang unit sa isang condominium na tinutuluyan nito sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Sumailalim na sa inquest proceeding sa Pasay City Prosecutor’s Office ang suspek na si Christopher Holleman, 44, binata, pansamantalang nanunuluyan sa #1460 Sea Residences, SM MOA Complex ng naturang lungsod.
Samantala, kinilala naman ang complainant na si Aimee Armea, 21, dalaga, imaging associate, residente sa Unit 321 ng naturang condominium.
Sa report na natanggap ni Police Sr. Supt. Sidney Hernia, Officer-In-Charge (OIC) ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-9:50 ng gabi sa tinitirhang condo unit ni Armea sa naturang lugar.
Habang kasama ni Armea ang kanyang kinakasamang si Francis Roi De Leon at sila ay nag-i-internet ay biglang nawala ang connection nito, dahilan upang lumabas ang mga ito para i-check.
Subalit, pagbalik ng dalawa sa tinitirhang condo unit ay napansin nilang bukas ang pintuan nito kaya’t naghinala sila na may kakaibang nangyari at namataan pa nila ang suspek na nagmamadaling umalis at dumaan sa fire exit.
Dito nadiskubre na pinagnakawan sila, dahilan upang humingi sila ng tulong sa guwardyang si Reinan Ronda hanggang sa hinabol ang papatakas na dayuhan, hanggang sa ma-corner ito.
Matapos masakote ang suspek ng naturang guwardya ay dinala ito sa himpilan ng pulisya at nakumpiska mula dito ang mga kasangkapang ninakaw nito mula sa unit ni Armea tulad ng telebisyon, electric fan, internet router at susi.
Ang naturang dayuhan ay nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention at nahaharap sa kasong pagnanakaw.