MANILA, Philippines - Magkakaloob ng tulong pinansiyal ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga pamilya ng mga nasawi at nasugatang miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) Commandos sa Maguindanao.
Tiniyak ito ni Manila Mayor Joseph Estrada sa pagsasabing tig-P100 libo ang ibibigay ng lokal na pamahalaan sa kada-pamilya ng mga nasawing SAF members, habang P50-libo naman sa mga sugatang miyembro ng SAF na kabilang sa napa-engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.
Kukunin umano ang pondo mula sa discretionary fund ng tanggapan ni Estrada.
Kahapon ay kaagad ding naipasa ang City Council Resolution para sa ipaaabot na tulong pinansyal.
Nakasaad sa resolusyon ang pagkamatay ng 44 SAF members ay hindi lamang nakaapekto sa Mindanao, kundi maging sa mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila.
Naniniwala si Estrada, dating Pangulo at Commander-in-Chief, na bawat Pilipino ay dapat na magbigay-pugay sa mga nasabing SAF member na isinakripisyo ang buhay sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Sa susunod na linggo ay sisimulan na umano ang pamamahagi ng tulong-pinansyal.