MANILA, Philippines - Nagimbal ang mga residente at mga tauhan ng Manila Police District-Station 7 sa malakas na pagsabog makaraang ihagis sa bangketa malapit sa presinto nito, sa Jose Abad Santos Avenue sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Bukod rito, isa pang hindi sumabog na granada ang natagpuan din naman sa ilalim ng sasakyan ng mismong station commander ng MPD-station 7 na si P/Supt. Joel Villanueva.
Sa ulat ni PO3 Amelson Ortega, dakong alas-5:00 ng madaling-araw, nang makarinig ng isang malakas na pagsabog sa harap mismo ng nasabing himpilan ng pulisya.
Nabatid na bago ang pagsabog nakitang paikut-ikot sa lugar malapit sa Metro Gwapotel at sa himpilan ng pulisya ang magkaangkas na suspect. Isang MK2 na apple-type grenade ang sinasabing inihagis ng mga ito.
Pinaniniwalaang unang inihagis ang granada sa harap ng presinto at nang hindi sumabog ay isa pang granada ang inihagis naman sa tapat na ng katabing Gwapotel.
Wala naman naiulat na napinsala sa pagsabog, dahil sa may bangketa bumagsak at sumabog ang granada habang ang hindi naman sumabog ay nasa harapan ng presinto.
Malaki ang hinalang may kaugnayan sa droga ang anggulong binubusisi ng pulisya, dahil sa sunud -sunod umanong nahuhulog sa batas ang hinihinalang tulak ng shabu sa nasasakupang presinto.
Patuloy pang inaalam ang pagkilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pagpapasabog.