MANILA, Philippines - Pitong pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na gun for hire, robbery holdup gang at drug syndicates ang naaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa operasyon sa Quezon City nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong ang mga nasakoteng suspect na sina Dick Cheney Salunoy, Anjo Rosales, Ibrahim Salindal, Efren Valerio, Pepe Rafael, Chrismar Calma at Onte Radzak.
Ayon kay Magalong, dakong alas-5:30 ng umaga nang masakote ng mga operatiba ng PNP-CIDG- Anti Organized Crime Unit sa pamumuno ni Supt. Danny Macerinat ng Quezon City Police Station 10 ang mga suspect sa operasyon sa BIR Road, NAPOCOR compound, Brgy. Central, Quezon City.
Sinabi ni Magalong na ang mga suspect ay inaresto sa bisa ng limang search warrants na inisyu ni Executive Judge Fernando Sagun Jr. kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o ang illegal possession of Firearms, Ammunition and Explosives. Sa imbestigasyon, ang mga suspect ay pawang konektado rin umano sa Tala gang na nauna nang nabitag sa operasyon sa Brgy. Tala, Caloocan City.
Nasamsam mula sa mga suspect ang apat na cal. 45 pistols, dalawang cal 38 revolvers, isang cal 22 revolver, isang hand grenade, anim na magazine para sa cal. 45 revolver, mga bala at ilang sachet ng shabu.