MANILA, Philippines – Binulabog ng bomb threat ang tanggapan ng Department of Justice na nagresulta sa pagpapalabas sa mga kawani kahapon ng umaga.
Kaagad namang sinuyod ng mga tauhan ng NBI bomb squad at PNP-Explosives Ordnance Division (EOD) ang mga sulok ng nasabing opisina matapos makatanggap ng bomb threat.
Nasa kahabaan ng Padre Faura Street sa Maynila ang lahat na mga pinalabas na kawani ng ahensiya.
Ayon sa guwardiya ng DOJ, mismong ang tanggapan ni Secretary Leila de Lima ang nakatanggap ng bomb threat dakong alas-10 ng umaga.
Hiling umano ng tumawag na ibalik ang visitation rights ng mga preso sa New Bilibid Prison (NBP).
Maalala na ipinag-utos ni de Lima ang pagsuspinde sa dalaw sa mga preso ng NBP hangga’t hindi nagkakaroon ng kalinawan ang pagpapasabog ng granada sa maximum security compound na ikinamatay ng isang preso at ikinasugat ng 19 na iba pa.