3 anggulo sinisilip sa pagpaslang sa jail officer
MANILA, Philippines – Tatlong anggulo ang sinisilip ng mga tauhan ng Manila Police District kaugnay sa pagpaslang sa jail officer ng Bureau of Corrections (BuCor) kung saan kaibigang abogado at dalawa pa ang itinuturong suspect.
Ayon kay MPD-Malate Police Station chief, Supt. Romeo Odrada, tinitingnan nila ang mga anggulo na personal na relasyon, personal na galit at droga sa pamamaslang kay JO1 Tristan Cultivo, 31, na natagpuang patay sa Rm. 2503 Burgundy Condominuim sa Taft Avenue, Malate, Maynila na pag-aari naman ni Atty. Vladimir Bugaring.
Sinasabi ni Odrada na ginagawa nila lahat, kasama ang MPD Homicide Section upang matukoy ang tunay na motibo sa pamamaslang.
Hanggang sa ngayon aniya ay wala pang konkretong ebidensiya bagama’t ang tatlo ang pangunahing mga suspek batay na rin sa naitala ng CCTV ng nasabing condominium.
Nabatid naman kay MPD-Homicide Section chief, Chief Insp. Steve Casimiro na isasampa na nila ang kaso sa mga susunod na araw. Hinihintay din nila ang abiso ng mga suspek sa posibleng pagsuko ng mga ito.
Paliwanag ni Casimiro, pinuntahan na rin ng kanyang mga tauhan ang mga lugar na posibleng puntahan ni Bugaring subalit pawang negatibo ang kanilang mga follow-up operation.
Umaasa na lamang sila na magkukusa na sumuko ang tatlo upang maliwanagan ang kaso.
Ang bangkay ni Cultivo na may tatlong tama ng bala ng baril sa ulo at katawan ay natagpuan noong Sabado ng madaling-araw sa nabanggit na condominium.
- Latest