MANILA, Philippines – Isang manhunt operation ngayon ang isinasagawa ng Manila Police District laban sa isang abogado at dalawa pang kasamahan nito na umano’y sinasabing sangkot sa pagpatay sa isang jail officer ng Bureau of Corrections kamakalawa ng madaling-araw sa Malate, Maynila.
Ayon kay Chief Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ikinokonsiderang person of interest si Atty. Vladimir Bugaring, 36 na siyang may-ari ng Unit #2503 ng Burgundy Condominium sa #2442 Taft Ave., sa Malate, Manila kung saan natagpuang patay si JO1 Tristan Cultivo, ng 155 Posadas Village, Sucat, Muntinlupa.
Pinaghahanap din ng pulisya ang umano’y tiyuhin ng abogado na alyas “Bob” at isa pang hindi nakikilalang suspek. Si Bugaring, kasama ang dalawa pa ay nakita umano sa CCTV ng condominium na nagmamadaling umalis.
“Silang tatlo ang suspek , kasi nakita sa CCTV na nagmamadaling lumabas ng bandang 11:56 ng gabi,” ani SPO3 Glenzor Vallejo.
Ayon kay Vallejo, pinuntahan ang suspek sa tanggapan nito sa may Amparo Building sa may España pero hindi natagpuan.
Nalaman sa isinagawang imbestigasyon sa crime scene na natagpuang nakapatong sa katawan ng biktima ang kanyang service firearm na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa kanya.
Nakita rin ang pagkasira ng lababo na indikasyong nagpambuno ang biktima at mga suspek bago binaril ang una .
“Kung wala siyang kinalaman dapat e lumutang na siya (Bugaring), bakit siya nagtatago,” dagdag pa ni Vallejo.
Hindi rin umano inaasahan ng pamilya ng biktima na si Bugaring ay isa sa mga magiging suspek sa pagpatay kay Cultivo dahil naging professor pa umano ng biktima si Bugaring sa FEU noong nag-aaral pa sa kolehiyo at naging taga-hatid pa ito ng mga dokumento ng abogado.
Base sa nakuhang impormasyon ng pulisya sa kalapit kuwarto, bandang 11:30 ng gabi nang makarinig ng dalawang putok ng baril ang nakatira sa kalapit na unit at sinasabing bandang 10:56 ng gabi, nang makita ang biktima na dumating sa condo para umano maghatid ng mga dokumento sa abogado.
Nabatid na pitong taon na umanong magkaibigan ang biktima at ang abogado kung saan natulungan umano ng huli ang una na makapasok bilang jail officer sa BuCor.