MANILA, Philippines - Tatlong mga wanted sa batas ang pinagdadampot ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa pinaigting na operasyon sa paghahain ng warrant of arrest.
Nadakip dakong alas-8 kamakalawa ng umaga ang suspek na si Roberto Oquindo, 52, ng Brgy. Northbay Boulevard South, Navotas City.
Hindi na nakapalag pa ang suspek nang ihain sa kanya ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Zaldy Docena, ng Malabon Regional Trial Court Branch 170 sa kasong frustrated murder.
Dakong alas-8:30 naman ng Huwebes ng umaga nang maaresto ng mga tauhan ng Caloocan Police Warrant Section si Ofelia Hugo, ng Tala, Caloocan City.
Inihain sa kanya ang warrant of arrest dahil sa kasong estafa na inilabas ni Judge Juan Bermejo, Jr., ng Caloocan MTC Branch 3.
Sunod na dinakip naman ng Caloocan Police dakong ala-9:30 kamakalawa ng umaga si Crisanto Bernardo na nahaharap sa warrant of arrest dahil sa kasong frustrated homicide.
Ang pinaigting na kampanya sa paghahain ng warrant of arrest ay makaraang ipag-utos ni NPD Director, Chief Supt. Jonathan Miano ang pagpapalakas sa pag-aresto sa mga kriminal na nahaharap sa warrant of arrest.