MANILA, Philippines - Asahang makakaranas ng mabigat na daloy ng trapiko ang mga motorista at commuters dahil balik na naman ang isasagawang road re-blocking ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila ngayong weekend.
Ito ang abiso kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Sinimulan ang re-blocking alas-10:00 kagabi at magtatapos alas-5:00 ng madaling-araw sa Lunes (Enero 26).
Kabilang sa mga apektadong lugar ay ang south-bound ng kahabaan ng Mindanao Avenue mula Road 20 hanggang Congressional Avenue, 3rd lane, gayundin ang kahabaan ng C.P. Garcia Avenue mula Pook Aguinaldo hanggang Katipunan Avenue, 3rd lane.
Sa north-bound lane ay ang kahabaan ng Quirino Highway mula Service Road hanggang Balon Bato, 4th inner lane.
Sa Eastbound lane ay ang kahabaan ng Batasan Road mula DSWD hanggang Payatas Road, 1st inner lane gayundin ang kahabaan ng Congressional Avenue mula Sinagtala Street hanggang Mindanao Avenue, 1st lane.
Sa Westbound, ay ang kahabaan ng Congressional Avenue Extension mula Luzon Avenue hanggang Tandang Sora Avenue, 3rd lane. Kung kaya’t payo ng MMDA sa mga motorista na dumaan na lamang sa mga alternatibong ruta upang iwas abala.
Matatandaan na sinuspinde pansamantala ang road re-blocking simula noong Disyembre ng nakaraang taon upang maibsan ang inaasahang matinding trapik dulot ng panahon ng Kapaskuhan.
Abiso pa rin ng MMDA, isasara rin sa mga motorista ang kahabaan ng EDSA Avenue (south bound lane) sa kabilang bahagi ng Kalayaan Avenue Extension, Makati City ngayong araw na ito (Enero 24), alas-10:00 ng gabi hanggang bukas (Linggo, Enero 25), alas-5:00 ng umaga dahil sa isasagawang emergency test pitting matapos tumagas ang tubo ng Manila Water Company, Inc. sa naturang lugar.