MANILA, Philippines - Patay ang isang 47-anyos na ginang makaraang kasamang matangay ng lumipad na bubungan ng sinasakyan nitong tricycle sa Navotas City.
Nasawi dahil sa tinamong mga sugat sa ulo at katawan ang biktimang nakilalang si Jennelyn Ignacio Tarrayo, residente ng Brgy. Tanza, ng naturang lungsod.
Nadakip at sinampahan na ng kasong homicide through reckless imprudence sa Navotas Prosecutor’s Office ang tricycle driver na si John Milky Dela Cruz Valencia, 18, ng Ilang-Ilang Dulo, Brgy. Tanza, ng naturang lungsod.
Sa naantalang ulat ng Navotas Traffic Enforcement Unit na ipinadala sa Northern Police District (NPD), naganap ang insidente sa may Sampaguita St., Brgy. Tanza dakong alas-11:30 ng umaga. Nabatid na naka-backride sa tricycle (1039 NV) ni Valencia si Tarrayo nang biglang liparin ng hangin ang bubungan ng tricycle at kasamang natangay ang biktima.
Agad namang isinugod ang biktima sa Tondo General Hospital ngunit hindi na rin umabot ng buhay.