5-anyos binugbog ng kuya

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang isang 26-taong gulang na binata makaraang bugbugin nito ang kanyang 5-taong gulang na kapatid sa Marikina City, kahapon ng tanghali. Ang biktima na itinago sa pangalang Baby Tintin ay ginagamot ngayon sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center dahil sa tinamo nitong sugat at pasa sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Nakakulong naman sa detention cell ng Marikina Police ang suspek na si Eric Galanza, ng Concepcion Dos, Marikina City at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act).

Nabatid mula kay SPO1 Mari Len Pinero ng Women’s Children Protection Desk (WCPD) na ang pambubugbog ng suspek sa kapatid na paslit ay naganap dakong alas-12 ng tanghali sa loob mismo ng kanilang tahanan. Sinasabing nanonood ng TV ang biktima nang lapitan ng kuya at inutusang bumili ng pagkain sa labas. Hindi sumunod ang biktima kaya’t nagalit ang suspek at saka sinaktan ang mismong kapatid.

Natigil lamang ang pananakit nang dumating ang isa pang kapatid na si Elma, 21, na siyang pumigil sa ginagawang pananakit ng kanilang kuya. Hinihinala ng pulisya na nasa impluwensiya ng bawal na droga ang suspek kaya nagawa nitong bugbugin ang sariling kapatid.

Show comments