MANILA, Philippines – Patuloy ang pagtugis ng kagawaran ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa apat na armadong lalaki na nangholdap sa isang dental clinic makaraang marekober ang tinangay nilang sasakyan, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay Supt. Segundo Lagundi Jr., hepe ng Quezon City Police Station 6, sa kasalukuyan, may mga larawan na sila ng mga suspect na ngayon ay pinabe-beripika nila sa hawak nilang mga testigo sa nangyaring panghoholdap.
Bukod dito, narekober na rin anya nila ang tinangay na Toyota Fortuner (TQD-883) matapos na iabandona ito ng mga suspect sa may bahagi ng Kapalaran Commonwealth.
Alas-11 ng umaga nang pasukin ng apat na armadong lalaki ang klinika ni Dra. Paulina Sicat matapos na magkunwaring kustomer ang dalawa sa mga ito.
Sa ulat, iginapos muna ng mga suspect ang doktora saka ang sekretarya nito, bago tuluyang kinuha ang halagang P50,000 ng una.
Mabilis na tumakas ang mga suspect tangay pa ang Toyota Fortuner na nakaparada sa harap ng klinika.Ang nasabing sasakyan anya ay hindi pag-aari ng biktima at nakikiparada lamang sa lugar.
Sabi ni Lagundi, sa kasalukuyan, hindi pa nila tiyak kung anong grupo ang mga suspect dahil sa patuloy pa ang imbestigasyon at follow-up operation na kanilang ginagawa sa nasabing insidente.