MANILA, Philippines – Isang Japanese national ang iniulat na natangayan ng isang bag na naglalaman ng importanteng gamit at pera makaraang muling umatake ang grupo ng Salisi gang sa isang club sa Timog sa lungsod Quezon.
Dumulog sa Quezon City Police District (QCPD) station 10, ang dayuhang si Makoto Kato, 50, ng Sampaloc Manila, para magreklamo hinggil sa pagkawala ng kanyang bag.
Ayon sa ulat, ang bag ay naglalaman ng cash na nagkakahalaga ng P14,000, Yen 10,000; channel wallet (PY134,000); dalawang passport; at iba’t ibang uri ng identification card at credit card. Nangyari ang insidente sa may club na matatagpuan sa Timog Avenue, Brgy. Sacred Heart, nitong nakaraang Sabado ng alas- 4 ng madaling-araw.
Sinasabing masayang nag-iinuman ang biktima, kasama ang kanyang asawa at mga kaibigan sa loob ng isang VIP room ng club nang biglang dumating ang hindi nakikilalang suspect at kinuha ang isang bag ng una.
Ang pagkawala ng bag ay nalaman na lamang umano ng biktima makaraan hanapin ito para kumuha ng gamit. Dahil dito, nagpasya ang biktima na ipaalam ang insidente sa manager ng club, bago dumulog sa himpilan ng PS10 at magreklamo.
Sabi pa sa ulat, inirereklamo rin ng dayuhan ang kawalan ng seguridad ng club sa mga kustomer kung kaya nangyayari ang naturang insidente.