MANILA, Philippines – Patay ang isang 21-anyos na binata habang sugatan ang kasama nitong kapatid na babae nang harangin at pagbabarilin ng isang motorcycle rider sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Hindi na umabot ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Edwin Catran, ng Sgt. Mabagos St., Tondo, bunga ng bala ng tinamong tama sa ulo.
Nilalapatan pa ng lunas sa nabanggit ding pagamutan ang half sister ni Catran na kinilalang si Rosemarie Sespene, 26, dalaga, bunga ng tama ng balang tinamo sa braso.
Patuloy pang iniimbestigahan ang pagkakakilanlan sa gunman na sakay ng itim na motorsiklong walang plaka, na inabandona matapos ang pamamaril.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide, dakong ala-1:35 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Wagas at Sgt. Mabagos Sts., sa Tondo.
Naglalakad umano ang dalawa nang biglang sumulpot ang naka-motorsiklong suspek at hinarangan ang kanilang daraanan at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga ito.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa krimen.