MANILA, Philippines – Isang Filipino-American na lasing ang inaresto matapos nitong paharurutin ang kaniyang sasakyan dahil sa kalasingan, na sumagasa sa mga taong nag-uumpukan, mga nakaparadang sasakyan at mga kabahayan na naging dahilan naman ng pagkasugat ng may 20 katao sa Pandacan, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nakapiit sa detention facility ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit ang suspek na si Nestor Luna Jr.,42, teacher sa Korea at residente ng no. 61 Bell St. Fil-Invest Batasan Hills, Quezon City habang naka-impound naman ang minamanehong Honda CRV (XRP-690).
Sa ulat ni SPO4 Rizalino Intal ng MPD-TEU, naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi sa mga kalye na sakop ng apat na barangay sa Pandacan.
Unang dinaanan at sinuyod ng Honda CRV ang Aladdin corner Celia Sts. at tumuloy sa Miramolin St., hanggang sa umabot pa umano sa Balagtas at Laura Sts., ayon kay SPO4 Intal.
Nalaman na isa sa nasaktan ng suspek si Marvin Medina, 37, na nagulungan sa kaliwang paa habang may 19 pa ang nagtamo ng minor injuries.
Kabilang din ang sasakyang Mitsubishi Adventure, tricycle, Honda CRV at isang Toyota Vios na pawang mga nakaparada ang inararo ng suspek.
Ang isang karinderya na nasira sa pagsagasa ng minamaneho ng suspek at nabangga din ang isang grupo ng nag-iinuman doon.
Nabatid na hindi umano kabisado ng suspek ang mga kalye at nagtatanong umano ito sa isang lalaking residente. Nang kausapin ito ay hindi umano nagtatagalog kundi Ingles, kaya kinausap sa wikang Ingles ng nasabing lalaki. Habang nagkikipag-usap umano ay inalok pa ng lalaki na ipagda-drive na lamang siya dahil lasing subalit agad umanong umarangkada na hinihinalang natapakan ng husto ang gasoline kaya nagtuloy-tuloy.
Inihahanda pa lamang ang mga kasong ihahain laban sa suspek dahil hindi pa umano nagdaratingan ang ilang complainant.