MANILA, Philippines – Nagkasakitan ang ilang deboto habang naghihintay makapasok sa Quirino Grandstand para sa misa ni Pope Francis sa Luneta, kahapon.
Alas-5:00 Linggo ng madaling-araw nang magkatulakan ang pilgrims sa entrance sa Ma. Orosa dahil sa pakikipag-unahan na makapuwesto para sa misa ng Santo Papa ng alas-3:30 ng hapon.
Nasira na ang bakod doon at inamin ng isang pulis na naka-istasyon sa lugar na nahirapan silang ikontrol ang mga tao at sa katunaya’y nawasak pati ang mga metal detector.
Sa inisyal na ulat, nasa 10 pilgrims ang nasaktan habang nawalan ng malay ang ilan kabilang na ang isang matandang babae at buntis.
Nahiwalay ang ilang bata sa kanilang mga kasama. Sunod nito, bumuo na ng human barricade ang mga volunteer at pulis.
Nakiusap na ang isang pulis sa mga nais pang pumunta sa Quirino Grandstand na manood na lang sa kani-kanilang tahanan imbes na dumayo sa Luneta.
Samantala, trak-trak ng basura ang naiwan pagkatapos ng misa buhat sa mga dumalo ng misa at maging sa mga naghihintay sa mga daraanan ng Santo Papa.
Sa huling ulat ng MMDA, nasa 11 trak na ng basura ang nahahakot nila sa mga ruta na dinaanan ng Papa sa Metro Manila mula nang dumating ito sa bansa nitong nakaraang Huwebes.
Karamihan sa mga nahahakot na basura ay plastic bottles, Styrofoam food containers, balat ng pagkain, at maging barbecue sticks.
Aabot umano sa 560 tauhan ng Metro Parkway Clearing Group ang ikinalat sa mga ruta ng Santo Papa para maglinis ng mga kalat.