MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang babae at isang bading nang manakot at mag-ingay umano na may dala silang bomba at mga baril na hindi na-detect sa kabila ng matinding seguridad na ipinatupad sa paligid at loob ng Quirino Grandstand, kahapon ng hapon.
Nakapiit na sa detention cell ng Manila Police District-station 5 ang mga suspek na sina Ellyn Ventura Y Garcia alyas “Khuy”, 26, dalaga, medical secretary, tubong Zamboanga City; Erlinda Sion Y Aquino, alyas “Celine”, 27, dalaga, medical secretary, tubong San Fabian, Pangasinan at ang bading na si Albert Corpuz Y Vinluan alyas “Jazz”, 21, kasambahay na nagmula pa sa no. 05 Bgy. Nilombot, Sta. Barbara, Pangasinan.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Supt. Romeo Macapaz, hepe ng MPD-station 5, alas-12:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa panulukan ng P. Burgos at General Luna st., sa Intramuros, Maynila.
Lumalabas na inireklamo ng isang Jasmin Valera Y Ching, 34, ng Phase 3, F1 Alimasag St., Caloocan City sa mga nakabantay na pulis ang tatlong suspek nang mag-ingay umano ito na may dalang bomba.
Ikinatakot ni Valera na maaring magdulot ng tensiyon at stampede lalo’t kasama niya ang anak na maliit pa na maaring madaganan sakaling magkagulo sa kanilang mga nag-aabang sa pagdating ng Pope convoy ang mga sinasabi ng tatlong suspek kaya isinumbong kay PO2 Alvin Villarosa.
Sa testimonya ni Valera,: “Bakit ako may dalang bomba, bakit hindi nila na-detect?”, yun yung unang nagsalita, tapos sinundan pa nung kasama niya na “Ako din may dalang 45 …. pesos,” at ang sagot ng ikatlo “ako din may dalang 38… pesos”.
Nakatakda silang i-inquest sa paglabag sa Presidential Decree 1727 (bomb scare) sa Manila City prosecutors Office.