MANILA, Philippines -Tahasang sinabi ng Manila Disaster Risk Reduction Management Council na naka-double full alert sila sa Linggo kung saan magdaraos ng misa si Pope Francis.
Ayon kay MDRRMC chief Director Johnny Yu, ang kanilang paghahanda ay bunsod na rin ng inaasahang pagdagsa ng tao dahil maliban sa misa ng Santo Papa, kapistahan din ito ng Sto . Niño.
Inaasahang maraming Katoliko ang magdadala ng kanilang mga imahe ng Sto. Niñ o sa Luneta para na rin mabasbasan ito at makaiisa sa misa. Sinabi ni Yu na simula kahapon hanggang bukas ay nasa shifting ang mga tauhan ng Emergency Response Assistance Center. Tig 12 oras ang kanyang 15 tauhan bukod pa ang 53 na mga call center agents sa ilalim naman ng Office of the Vice Mayor.
Sa ngayon umaabot sa 350 CCTV camera ang nakalagay sa iba’t ibang lugar sa Maynila na magagamit sa monitoring ng kilos ng Santo Papa.
Tiniyak ni Yu na nakaalerto ang lahat ng kanilang mga emergency equipment sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng tao upang masilayan ang Santo Papa.
Aniya, sapat ang kanilang mga kagamitan sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari.
Subalit naniniwala si Yu na kung magkakaroon lamang ng disiplina ang publiko walang aberya na mangyayari.
Masuwerte aniya ang Pilipinas sa pagdalaw ni Pope Francis kaya’t ibinibigay din nila ang suporta at tulong sa national government upang matiyak ang seguridad ng pinakamataas na lider ng Simbahang Katoliko.